Nasisilawan na Harang

NasisilawanNaHarangCover_drawnbyRaishii

Nasisilawan na Harang

isang piraso ng kathang-isip na sinulat ni The Overlord Bear

bineta nina SarcasticGrey at Revienne

at ginuhitan ng cover ni Raishii

Buod: Magulo ang pamumuhay ni Jojo Alejandro, at kasama na din doon ang kanyang kakaibang mundo ng mga panaginip, kung saan ang kanyang superpowered na katauhan na si Harang Salpakan ay nakikisalamuha at nakikipag-away kay Silaw Nangaraw. Pagkatapos ng sunod-sunod na talo sa pantasyang babae ng araw, napaisip ang nauulanang binata tungkol sa pagsunod sa payo ng kanyang mortal na kaaway sa panaginip…


Ang kwentong ito ay pwede ding basahin sa Wattpad.


“Gising na!”

“Ayoko nga!”

Nanggulo na naman sa kanya ang pantasyang kadalasang gumagawa ng baliktad na trabaho.

Sa simula, mukhang ito na ang kasagutan sa lahat ng kanyang problema. Naroon ang kagandahan, kagandahan nito na una niyang nakita sa mga orange at puti na kulay nito at sa mga kurba nitong binigyang-diin ng yumayakap dito na kasuotang panglabanan. Ang boses nito ay nasa tamang taas, taas na nandoon para maglagay ng enerhiya sa boses nito na nagbibigay ng kapangyarihan at pag-asa sa mga nakikinig. Sumunod din ang ngiti nito na parang araw na nagpapaliwanag sa kanyang buhay na puno ng ulan at kadiliman…

Nga lang, tulad ng dumadalas na pagpalit ng mga matitinding panahon, mabilis na naging nakakainis ang araw na iyon.

“Alam mo naman ang mangyayari kung ayaw mong gumising, Jojo…” sabi ng ngumingiting araw na iyon ng isa pang beses sa ilang mga beses na hindi na mabilang.

Inangat naman ng naiinis na binata ang kanyang kamay habang nakasimangot.

‘Di nagtagal ang pag-ungol ng kulog at ang pamumuo ng mga madilim na ulap. Namuo sila ng mabilis, at ang bilis na iyon ay hindi kasingnatural ng kanilang pamumuo sa realidad.

“Sinag!”

Bago marinig ng binata ang sigaw ng dalagang iyon, napansin niya ang pag-iling ng ulo ng kanyang bumaliktad na pantasya.

“Harang!”

Pero hindi pa rin tumigil ang binata. Nais niyang mamuhay sa mundo na eksaktong katulad ng kanyang mga pinapangarap na pantasya, at kung hindi iyon masusunod, sisirain na lang niya iyon.

Ngayon, nagsimula na naman ang isa pang laban sa pagitan nina Silaw Nangaraw at Harang Salpakan. Ang lupain na kinatatayuan ng bawat isa ay nabalot ng kanilang mga kinokontrol na elemento. Maliwanag at umaapoy ang kapaligiran ni Silaw, habang madilim at maulap ang kapaligiran ni Harang.

“Sigurado ka ba sa iyong kakayahan, taba?” sigaw na tanong ng nakangising Silaw. “Alam mo naman ang rekord mo sa mga labanan natin, ‘di ba?”

“Heh,” singhal ni Harang, “Palagi akong nakakakita ng paraan para matalo ka. Nandiyan ang sarili mong apoy, apoy na bumabalot sa kalikasan na pinoprotektahan mo dapat!”

Kumulog sa kapiligiran ni Harang pagkatapos niya sabihin iyon. Nagsimula din ang pagbagsak ng ulan, dinidilig ang lupain o kaya nagiging singaw na hangin habang kinakalaban ang mga apoy ni Silaw.

Ah, at saka may bumagsak na kidlat sa likuran, na nagpasiklab ng isang puno.

Sa tanawin na ‘yon, tumawa si Silaw at tinutok ang isang daliri kay Harang.

“Hindi lang ikaw ang may kakayahang magpasiklab ng apoy!” asar ng Silaw, ginagaya ang malalim na boses ng kanyang kalaban.

Sa matalas na asar na iyon, hindi nagbitiw ng ganting salita si Harang. Mas madali niyang nakikita ang mas malaking kapangyarihan sa kilos, kaya ang ganti niya ay ang pagtuloy at paglakas ng ulan.

Nilakasan din ni Silaw ang kanyang apoy at liwanag, pero dahil sa kakayahan ni Harang na udyukin ang tuluyang paglamig ng kanyang mga ulap at ulan, ang pagtagpo ng mga magkalabang elemento ay nagdulot ng matinding hamog.

Tuloy-tuloy lang ang pagliyab ni Silaw, tuloy-tuloy hanggang sa puntong lumalaki talaga ang kanyang ngiti.

Pero sa panahon na iyon, nagkaroon ng ngisi sa mukha ni Harang.

“Asa ka pa sa buhawi!”

Napasigaw at napaatras si Silaw nang masikmura siya ng kanyang sumugod na kalaban. Sunod-sunod din ang mga sumunod na hampas ng lalaking nangongontrol ng pag-ulan. Diretso ang mga atake sa pinakakatawan ng babaeng nangongontrol ng liwanag at pagliyab, hindi binibigyan ng tsansang makapagganti gamit ng mga braso’t binti.

Pero kahit ganoon, napigil pa rin ni Silaw si Harang sa pamamagitan ng malakas na pagliyab ng kanyang katawan. Nakaiwas si Harang, pero meron pa rin siyang naubos na lakas dahil doon, at pinakita iyon ng mga nasunugan at nabutasan na tela ng kanyang makapal at itim na jacket at pantalon. Kasama din sa mga senyales na iyon ang mga galos sa mga nakikitang bahagi ng kanyang balat.

“Nga pala, naisipan mo bang kumaliwa’t kanan, Silaw?” kutya ng lalaki ng ulan at dilim. “Katulad mo kasi ang araw: sobrang obvious!”

“Cheh!” balik ng babae ng apoy at liwanag. “Nakakasilaw pa rin ako, taba!”

At nagbuga ng alab at sinag si Silaw, pero hinarangan iyon ng madilim na ulap at yelong nalusaw. Dahil doon, mas nabalot sa makapal na hamog ang lugar ng kanilang labanan.

Sumugod din agad si Silaw nang makita niya ang pagbangga ng mga binuga, ngunit walang nadatnan ang kanyang kamao nang sinubukan niyang tumalon para makabato ng suntok kay Harang.

“Gamitin mo ang mga pakiramdam mo ng mabuti, Silaw,” alingawngaw ng boses ng naglahong Harang mula sa madaming direksyon. “Ilaw ka ng ilaw diyan, pero kaya kitang balutin ng aking kadiliman. Kaya kong gamitin ang mga ulap ko din para guluhin ang mga kapangyarihan mo, at kaya ko din – ARAY, LOKO!”

Nga pala, nakatalon paalis si Silaw nang mabagsakan ng kidlat si Harang.

Dahil doon, muling tumawa ang babae ng araw nang makita ang lalaki ng ulan sa bandang kanan ng kanyang harapan, bagsak sa sunog na damo at lupa habang ngumangalngal dahil sa sakit sa ilalim ng mga pinadaming madilim na ulap.

“Strike two, pare~” deklara ni Silaw bago lumabas uli ang kanyang halakhak.

“Naman…ba’t ko pa ginagamit ang kapangyarihan ng ulan…?”

Inis na inis talaga si Harang. Hindi iyon ang unang labanan kung saan bumaliktad ang kanyang paggamit ng ulan at kidlat, at wala din gaanong kwenta ang paggamit ng nyebe dahil sa kakayahan ni Silaw na lusawin ang mga namumuong piraso ng yelo. Problema din ang hirap niya sa pagkontrol ng kanyang mga elemento, at sa lahat ng mga hadlang sa pagtagumpay ni Harang, ang huling aspetong iyon ang nakakakuha ng pinakamadaming galit mula sa binata.

“KAININ MO ‘TO, SILAW!”

Kaya muli niyang itinodo ang kanyang kapangyarihan sa isang biglaang atake. Nakabalot sa nagyeyelong ulap, sumugod si Harang. Inipon niya ang mga ulap mula sa himpapawid at papunta sa kanyang katawan, namumuti at lumalamig kasama ng kanyang sariling hininga.

Pero ‘di tulad ni Silaw, masakit talaga kay Harang ang ginagawa niyang pagbalot at pagyelo. Isa iyong bagay na kinaiinisan at kinaiinggitan niya, at nagtataka siya kung bakit hindi ganoon ka-apektado si Silaw ng kanyang sariling apoy at liwanag.

Gayon pa man, umaagos na ang galit ni Harang, kaya tuloy pa rin ang kanyang pagsugod. Bumabagal siya dahil sa lamig, kaya gumawa siya ng sahig ng makapal at madulas na yelo sa harapan niya para sa kanyang nagyeyelong katawan. Sa pamamagitan ng iyon, mas bibilis ang pagsugod niya dahil sa pagdulas.

Tumawa si Harang habang lumalapit ang anyo ni Silaw.

“MAY UTAK AKO, SILAW!”

Ngunit nakatagpo ng init si Harang nang maramdaman niya ang kanyang basang katawan na bumabagal at kumakadkad sa nagiging maputik na lupa.

Dahil doon, umungol si Harang habang nakadapa, hirap gumalaw dahil sa sakit na dulot ng biglaang pagbabago sa temperatura.

“Alam mo, baka mas maganda kung ‘Ulang Baguhan’ na lang ang alyas mo, Jojo,” rinig ni Harang mula sa kanyang mortal na kaaway at ang boses nito na hindi pa rin tumitigil sa pagkakaroon ng pagkasigasig. “At sabi ko ay ‘Baguhan,’ hindi ‘Bagyuhan.’ Ulan ka ng ulan, nyebe ka ng nyebe, kidlat ng kidlat – ba’t hindi na lang tayo magpalaki ng lupain dito at mag-usap ng mas kalmado?”

Gustong sumagot ni Harang kasama ng kanyang lumolobong galit, pero hindi siya pinayagan ng mga kirot sa kanyang katawan. Pero kahit ganoon, inaalala pa rin niya ang kakayahang maging masyadong makulit ni Silaw at ng iba pang mga elemento.

Sa mundo ng mga kakaibang panaginip ni Jojo, alyas Harang Salpakan, sinubukan nga niyang makipagtrabaho kasama si Silaw Nangaraw, pero parang realidad lang ang pamumuhay niya ng ganoon. Hindi na nga sumusunod sa mga kagustuhan niya madalas, hindi din tumitigil sa pangungulit.

At bago pa bumalik ng mas malalim ang kanyang isip sa realidad, sinubukang tumayo ni Harang kasama ng kanyang galit.

“Nakakabuwisit ka…” ungol ng basa at nakaitim na binata habang mabagal na umaangat at biglaang bumabagsak na may pagod na paghinga. “Ayokong gumising…”

“Pero kailangan mo pa ring gumising, Jojo,” paalala ni Silaw. Nakalapit na ang mukha ng nagseryosong dalaga sa mukha ng sumisinghal na binata, at naitulak na ni Silaw ang baba ni Jojo pataas.

May katahimikan silang nahawakan, at makaraan ang ilang mga saglit, nagsimulang lumabas ang mga luha ni Jojo.

“Babalik ako…Silaw…” irit na pangako ng binata. “Wawasakin kita…”

Ngiti ang iginanti naman ng babae ng araw.

“Sasayangin mo lang ang sarili mo doon, Jojo,” sabi niya.

At nabalot si Jojo ng apoy at liwanag.

“Inaasahan ko din ang isang mas magandang tulog kasama ka…”

Hindi din mahanap ng binata ang kakayahang gumawa ng biro gamit ng pangungusap na binitiw ng dalaga.

Tama, natalo na naman siya…

 

 

“Late ka na naman, Jojo!”

Nagising na naman siya sa ingay ng kanyang naiinis na ina. Habang nagtatalak din ang kanyang ina tungkol sa mga problemang dinudulot ng mga anak niyang may mga ‘di magandang ugali, bumangon si Jojo kasama ng ungol. Lumakad palabas ng kwarto ang kanyang ina, pero tuloy pa rin siya sa pagtalak.

Kung wala sa isipan ni Jojo ang pagiging kulelat niya laban sa kanyang sariling pantasya na naging traydor sa kanyang mga kagustuhan, baka nakatanggap na din ng sigaw ang kanyang ina. Pero sa ngayon, mas nakatutok ang isip niya sa pantasyang babae na hindi niya matalo-talo…saka na din ang pagiging matatag sa ilalim ng malamig na ulan ng tubig sa banyo.

Nga pala, bumalik din ang isip niya sa mga pagkatalo niya kay Silaw. Akala ni Jojo na marami siyang magagawa sa pamamagitan ng mga kapangyarihan niya sa water cycle, pero hindi pa rin natutupad ng ayos ang mga pangarap niyang maging tulad ng hari sa kanyang pamumuhay. Madalas ang mga kapalpakan ni Jojo sa paggamit ng kanyang mga kapangyarihan bilang Harang Salpakan, katulad ng biglaang pagbagsak ng kidlat sa sarili niya at ang hirap sa paggalaw kasama ang matinding lamig.

Doon, tumawa si Jojo ng mapait. Kung hindi niya kaya maging hari sa kanyang sariling panaginip, paano kaya ang realidad ng kanyang gising na sarili, kung saan wala siyang ibang paraan upang maging Harang Salpakan?

Baka nagpakamatay na din si Jojo ilang panahon pagkatapos isipin iyon, pero nandoon pa si Silaw at ang kakaibang mundo ng panaginip ng binata. Kahit sobrang taas ng kapangyarihan ng pinantasyang dalaga, mas maginhawa ang nararamdaman ni Jojo kapag si Silaw ang pinagbubuhusan ng galit…pero paano ba niya matatalo ang babaeng iyon?

“Bilisan mo nga diyan, Jojo! Kailangan din pumasok ng kapatid mo!”

Mukhang mas maganda kung natulog na lang ng mas maaga si Jojo, no? Pero madami siyang dahilan para hindi matulog. Pag-aaral, pagtatrabahong-bahay, pag-Internet, pagsusulat, pagpantasya…

Ah, hindi niya talaga maalis ang bagay na tumutungo sa mundo ng tulog at panaginip…Ang dalas niyang ginagawa ang pagpantasya, pagpantasya tungkol sa kasiyahan sa pamamagitan ng pagiging matindi at magulo…pero habang sinusubukan niyang malunod sa aliw, may kalaban na sumusulpot. Maganda nga ang anyo ng kalaban ni Jojo, pero ang kalooban ng kalabang iyon ay nakakabuwisit sa mas mataas na antas.

Tama, nakakabuwisit nga si Silaw talaga, nakakabuwisit hanggang sa puntong hindi na maalala ni Jojo ng ayos ang tungkol sa pinanggalingan ng kanyang kakaibang pananaginip. Mas madalas ang kanyang paghikab pagkatapos gumising, at nahihirapan siya lalo sa pagbalanse ng kanyang isip, salita, at kilos. Ayaw niyang makita si Silaw uli, pero sa hirap niya sa pag-iwas sa tulog, nagiging pabalik-balik ang mga engkwentro ng binata sa mga sitwasyong nais niyang iwasan. Isang bagay ang pagiging tulog sa klase, pero isa pa ang pagtanggap ng masakit na hampas mula sa isang ngumingisi na Silaw Nangaraw. Hindi din nakakatulong sa kasiyahan ni Jojo ang pagiging mas mahina niya kapag siya’y natutulog sa maling oras.

Isa pa din ang pagiging seryoso ni Silaw. Umungol uli si Jojo habang nagtwalya’t lumabas mula sa banyo’t papunta sa kwarto, iniisip ang mga kondisyon na kadalasang pinag-uusapan ng pantasyang babae ng araw. Oo nga, masarap kasama siya, masarap hanggang sa puntong ayaw na gumising ni Jojo. Mabait siya, puno siya ng enerhiya, nakakatawa din, at saka maginhawa sa mata ang anyo ng kanyang katawan, pero nagiging nakakainis din ang kulit ni Silaw kapag pinag-uusapan niya ang mga bagay na tulad ng kahalagahan ng pagtulog at paggising ng ayos.

Kaya nga ayaw matulog muli ni Jojo. Masakit talaga ang mga pagkatalo niya kay Silaw kasi, saka ang hirap din ng mga hinihingi ng dalaga mula sa kanya.

Alam ni Jojo na kulelat siya laban kay Silaw, at pagod na pagod na din ang binata sa mga pagkatalo.

Sa ganoon, paano niya matatalo ang makulit na pantasyang babae ng araw?

“Nagpuyat ka na naman, no?”

At iyon ang ama ni Jojo, nagbibigay ng tuyong ngiti ng taong nakatagpo ng kabiguan sa pinagkakatiwalaan. Bihis na siya – naka-polo shirt, pantalon, at sapatos – dala ang kanyang backpack para sa trabaho sa planta, habang hindi pa nagtanggal ng twalya’t nagbihis ang kanyang anak.

May inis na muling naramdaman si Jojo, inis na may kasamang pagnanais na igiit ang pagtutok sa kasalukuyan at hindi sa nakaraan, pero mas tinuon na lang niya ang kanyang inis sa babaeng mangungulit muli kung natulog siya, lalo na kung natulog siya ng wala sa oras.

“Sorry,” ang inulit ni Jojo sa kanyang ama na umiling ng ulo’t nagbigkas ng bumababang tiwala. Tumuloy naman ang binata sa pagbihis para sa paaralan, sinusubukang bilisan ang kanyang pagkilos habang pinapaalala ng mga magulang tungkol sa tumatakbong oras.

At kasama iyon, isa na namang araw na may malaking inis ang naranasan ni Jojo.

 

 

“I remember reading comments on a satirical news article, and I was like…’Really? You’re taking that seriously?'”

“Sarcasm often goes over the heads of us Filipinos. I even had to remind myself about that when I was being like that!”

“Well, I guess it’s because we were brainwashed, you know. See, the possible reasons for that…”

Dati-rati, tumatawa si Jojo kapag ginagamit ang pinag-uusapan ng kanyang mga kaklase. Pero ngayong pinag-uusapan iyon ng ganoon, naging mas nakakainip ang tinatawag na sarcasm at saka satire. Naalala din niya ang sinabi ng propesor tungkol sa pagmumukhang elitista ng dalawang konsepto na iyon, at habang iniisip ng binata iyon, pakiramdam niya’y parang mas naiintidihan na niya ang sinabi ng propesor na iyon.

Seryoso talaga, nabubuwisit na naman siya sa tunog ng mga kaklase niya. Oo nga, may punto sila, pero away na lang sila ng away, talak na lang ng talak…tapos sasabihin nila na mas mataas sila habang nagsasalita na parang mga kinamumuhian nilang nang-iinsulto? Nagiging gasgas na nga kay Jojo ang mga tinatawag nilang “genius roasting”…

“Ba’t pa ako pumasok dito kung hindi naman ginagamit ang talino ng ayos…?” bulong na tanong ng binatang antukin sa sarili niya. Napapikit siya ng mata habang nagsimula na naman ang isang pantasya kung saan siya’y isang matalas at nakakapasong mananalita, isang mananalita na nakakaganti ng malakas laban sa katangahan ng mga tao sa paligid niya.

Pero nang maalala niya na hindi siya dapat matulog, napadilat si Jojo pagkatapos makaramdam na parang siya’y nahuhulog. Pagkatapos ng iyon, medyo naalala ng binata ang ilang mga bagay tungkol sa tulog na natutunan niya mula sa mga klaseng ukol sa Sikolohiya, pero bumalik din ang naging daldal na tunog ng diskusyon ng kanyang propesor at mga kaklase.

“As for why they like that guy…well, I guess it’s because they’re all bending to savagery.”

“Well, we all know that we’re better than them, class.”

At palayo sa kasunod ng mga salitang iyon, nag-walkout si Jojo kasama ang backpack niya.

Hindi siya pwedeng matulog sa maling oras, pero sawa na din ang kanyang antok na sarili sa katangahan ng kanyang mga guro at mga kaklase.

Umungol din si Jojo sa kanyang sarili.

Nakakainis din talaga sa kanya ang pagkakaroon ng pagkukulang sa sarili niya pagdating sa pagiging talagang matulungin sa sangkatauhan.

 

 

“Maaga ang uwi mo ngayon, ah?”

“Nakakasawa ang klase, Ma.”

“Bakit naman? Alam mo naman na kailangan mong mag-aral, ‘di ba?”

Nagbuntong-hininga na lang doon si Jojo. Napatay ang inip niya sa bus dahil sa nobela na lagi niyang dala sa bag pero madalang na binabasa, pero hindi iyon sapat para mapigil ang paglabas ng kanyang inis na tono, kung saan may pag-angat na nagpapakita ng pagkadismaya sa kanyang ina.

“Ba’t ka naman nagbubuntong-hininga diyan?” ang tanong ng ina.

“Ang toxic ng prof at mga kaklase ko,” nireklamo ni Jojo habang umaakyat ng hagdanan, hindi binabanggit ang kaguluhan sa kanyang panaginip para hindi magproblema ng mas malaki ang kanyang mga magulang. Nga lang, muntikan na niyang gawin ang kabaliktaran nang marinig ang biglaang sigaw ng kanyang kapatid na may kinaiinisan na kung-anong maliit na bagay na naman. Mabuti na lang na hanggang tigil sa paglakad at pag-ngiwi ng mukha lamang ang naging reaksyon niya doon.

“Well, kailangan mong matutong magpasensya’t mag-adjust, Jojo,” diin ng ina. “Hindi lahat ng bagay ay maaayon sa mga gusto mo palagi. Saka matulog ka nga din sa oras! Hindi nakakatulong sa pamamahay na ‘to ang sobrang pag-ipon ng stress!”

“Sige po, sige po…” usal ng panganay na anak habang papasok sa kanyang kwarto.

At pagdating sa kwartong makalat at maalikabok, nagpalit ng damit si Jojo, sumisingot at nagkukuskos ng ilong habang nakakaramdam ng sakit ng ulo. Pagkatapos, nilabas niya ang kanyang smartphone, handang mag-Internet na naman para sa mga magagandang kwento na base sa kanyang mga paboritong kwento.

Sa kasamaang-palad, walang napansin na Wi-Fi access point ang kanyang smartphone.

Dahil doon, ninais malaman ni Jojo ang estado ng router sa bahay, pero nagdalawang-isip siya nang isipin ang pagiging sangkot ng kanyang ina sa pagkawala ng koneksyon sa Internet.

Nasa kwarto naman niya ang kanyang laptop, kaya iyon na lang ang pinagtuunan ng pansin ni Jojo. Bukod doon, may naisip na mga ideyang pangkwento ang binata, at ayaw niya talagang palampasin iyon, lalo na sa malakas na pag-agos ng mga ideya sa kanyang isipan.

“Mga ‘diyos at diyosa’ at ang kanilang loko’t katawa-tawang pamumuhay?” tanong ni Jojo sa sarili niya. “Baka magandang ideya ‘yon, no?”

At kasama iyon, sinimula ni Jojo ang pag-iisip para sa pagsulat ng isa pang piraso ng kathang-isip. Dayalogo, pakiramdam, karakter, balangkas, tagpuan, mekaniko ng mga kapangyarihan…sakit ng ulo…

“Ugh…naman…”

Nagbuntong-hininga na naman si Jojo pagkatapos mapansin ang tagal ng pagiging blanko ng pahina sa word processor. Nag-isip siya ng mahikal na mundo, pero nang dumating ang kanyang isip sa mekanika ng mahika, dumating din ang dagdag sa sakit ng ulo at pati na din ang kanyang pagsuko sa pagsusulat para sa kasalukuyang araw.

Pero hindi pa matawag ni Jojo na tamang oras para sa tulog ang kasalukuyang oras, kaya pagkatapos ng ilang sandali, naglaro na lang ng mga computer games si Jojo, naniniwala na may matatagpuan siyang aliw mula doon muli.

 

 

“Job Mastered!”

“Yes!” tahimik na binitiw ni Jojo nang maangat niya ang isang level ng isang aspeto ng isang karakter na kontrol niya sa laro. Ayon sa dumating na dilim sa kwartong iniilawan ng computer monitor lamang, matagal siyang nagpalevel ng mga karakter niya sa mga labanan sa iba’t ibang mga bagay. Naroon ang pakikipaglaban sa mga halimaw, kung saan ang EXP ay talagang nakukuha, at naroon din ang pakikipaglaban sa pagsasayang, kung saan ang mga hawak niyang pera, gamit, at kapangyarihan ay kinakailangan tipirin habang naglalabas ng matalinong lakas.

Pero nang subukan isipin ni Jojo ng mas malalim ang mga labanan sa mga tinatawag na role-playing games, biglang nagkaroon ng pagkatok sa kanyang nakalock na kwarto.

“Jojo, akin na ang cellphone at ang laptop mo,” dala ng boses ng kanyang ina. “Nga pala, sabay na tayong kumain, saka maghugas ka din ng mga pinggan. Kailangan mo din matulog sa tamang oras.”

Umungol doon si Jojo, bumabalik ang medyo nawalang sakit ng ulo niya, pero binigay pa rin niya ang kanyang mga gadgets. Ayaw niyang tumagal at lumakas ang ingay at ang sakit ng ulo kasi.

Nang dumating siya sa baba, naroon na ang makulit na kapatid saka ang tatay ng magkapatid, nakaupo sa harap ng hapag-kainan habang nagkukulitan. Gumagawa ng kakaibang tunog na may pagka-beatbox ang mas batang kapatid, habang gumagawa din ng katulad na tunog ang tatay.

Doon, nagbigay ng maliit na hinga’t ngiti si Jojo. At least hindi nag-aalburuto si Joss.

Wala naman gaanong naramdaman na galak si Jojo nang makita niya ang pakbet at ang anyo nito na malaberdeng putik. Pero kahit ganoon, sumabay pa rin siya sa pamilya niya. May inis nga si Jojo sa kanila, pero paulit-ulit niyang naaalala ang katotohanan tungkol sa pagiging mas matalino ng kanyang mga magulang pagdating sa pamumuhay, lalo na kapag kasama ang ibang tao.

At kung kailangan pang may malaman na ebidensya na nagpapakita ng kakulangan ng talino ni Jojo, nandoon ang pakiramdam ng pagkaligaw at kalituhan habang iniisip kung anong gagawin niya pagkatapos kung sakaling maglayas siya ng bahay.

Pagdating kay Joss naman…May bigat din na nararamdaman si Jojo kapag nag-iisip siya tungkol sa mas matinding pananakit sa kanyang mas batang kapatid.

“O, musta ang araw mo?” tanong ng ama, relaks na naman ang tono. Isang aspeto iyon na gusto ni Jojo sa tatay niya, kaya nakaranas siya ng kadalian sa pagsagot.

“Umuwi ako ng maaga,” sagot niya, may inis pa rin sa kalooban. “Toxic ng prof at ng klase kasi,” dagdag niya habang nakayuko’t nakatutok sa placemat sa kanyang dako sa mesa. “Sorry.”

“Sige, magpahinga ka na muna…” tugon ng ama, “Pero mukhang kailangan namin kuhanin na muna ang laptop at cellphone mo, Jojo, para makapahinga ka talaga,” dagdag ng ama.

Nakabunot iyon ng ungol mula sa pangnay na anak.

Pero kahit ganoon…

“Sige,” sagot ni Jojo. “Mukhang maganda nga talaga ang tulog para sa akin ngayon…”

At nang mapansin niya ang madilim na gabi uli, may ngiting lumaki sa mukha ng binatang antukin.

 

 

Nakaupo si Silaw habang humahanga sa isang hanay ng mga mirasol. Tahimik at payapa siyang nagmamasid sa mga bulaklak, at parang walang bagay na makakasira sa kapayapaan na ipinapakita ng kanyang anyo.

Ngunit hindi nagtagal, nagkaroon ng tigas ang anyo ni Silaw.

Nagbigay siya ng sulyap papunta sa likod.

Ang sumunod ay ang pagbangga ng nagyeyelong katawan sa hanay ng mga bulaklak.

Doon, nagbigay ng simangot ang nakaiwas na si Silaw, pero umangat din ang isa niyang kilay kasama ng kanyang kuryusidad nang makita niya ang kanyang nagmumukhang mas komportable na karibal.

“Natulog ka sa mas tamang oras, no?” tinanong ni Silaw, ilang sandali bago gumalaw palayo mula sa mga blokeng yelo na pinalipad mula sa mga kamao ni Harang.

“Nakakabuwisit nga ang mga pinagdaanan ko para maging ganito,” sagot ng nakangiti’t nakaitim na binata, “Pero mukhang may punto ka nga talaga, Silaw.”

Umalik-ik lang si Silaw doon, malaking ngiti sa kanyang mukha.

“Malayo pa ang kailangan mong lakbayin, Harang,” sabi ng dalaga, ginagamit ang alyas ni Jojo ngayon habang nagpapasiklab ng apoy sa isang kamay. “At hindi puro ganitong labanan ang paglalakbay na kailangan mong tahakin…pero ngayon, laban na muna tayo ng ganito.”

Ngumiti doon si Harang, at sinubukan niyang unahan ang kanyang karibal.

Nga lang, nagsimulang makaramdam ng malamig na pawis si Harang nang subukan niyang igalaw paalis ang kanyang bumibigat na katawan.

Lumaki pa ang mga mata ni Harang nang marinig niya ang pagtawa ni Silaw. Sa puntong iyon, napansin ng binata ang anggulo ng pagtagilid ng kanyang katawan, anggulo kung saan ang mukha niya’y lumalapit sa matigas at madulas na yelo.

Tama, hindi pa niya masyadong kontrolado ng tama ang kanyang kapangyarihan, at may nakuhang materyales si Silaw para sa pang-aasar kay Jojo.

Pero kahit ganoon…

“Umayos naman ako, ‘di ba?”

“Oo naman! Pero mag-isip-isip at magtiyaga-tiyaga ka pa rin, ha?”

“Sige!”

…muli naging sigurado si Jojo pagdating sa kanyang kakayahang maging mas mahusay.


Nota mula sa May-Akda: Sa wakas, isang kwento na nasa Filipino! May reklamo ako sana sa tagal ng paggawa at pag-upload nito, pero unfair naman iyon kung iisipin ko yung mga dapat gawin ko at yung mga pinaggagawa ko noong mga nakalipas na araw.

So yeah, baka pwedeng sabihin na dulot din ito ng pagtaas ng interes ko sa wikang Pinoy, na dulot din ng nakaraang sem ng college, kung saan ako’y kumuha ng mga Filipino electives. Baka may kinalaman din yung pag-ikot-ikot sa Wattpad…Ah, sa totoo lang, malabo na sa alaala ko ang eksaktong detalye tungkol sa pinakasimula na pangunahing inspirasyon para dito.

Anyway, masaya talaga ako na ipakita ito sa inyo! Malugod din akong nagpapasalamat kina SarcasticGrey at Revienne, ang mga beta readers ng maikling kwento na ito, at kay Raishii, ang nakomisyon ko para gumawa ng cover illustration para sa kwentong ito! Maraming salamat sa inyo, yo!

Ah, at sigurado akong maglalabas ako muli ng Filipinong kwento…pero tulad ng karaniwan kong upload schedule pagdating sa mga ganoong malikhaing gawa, bigla-bigla iyon lalabas!

At bago ako matapos dito, alalahanin na ang matapat at matulungin na tugon ay malugod na inaasahan at ikakatuwa ko!

Advertisements

Feel free to say something!

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s